Dismayado si House Committee on Ways and Means Vice Chairman Estrellita Suansing sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, partikular na ang sa pagbubuwis sa mga sugar-sweetened beverages.
Sa pagdinig ng komite ngayong araw, sinabi ng Department of Budget and Management na mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan ay tanging P14.9 billion lamang ang nakokolekta nila mula rito.
Ayon kay Suansing, malayo ang naturang halaga kompara sa P52 billion na expected revenue kada taon mula sa excise tax ng mga sugar-sweetened beverages.
Ilan sa mga problemang nakita ni Suansing sa implementasyon ng batas ay ang kapabayaan ng Food and Drugs Authority (FDA) sa kanilang mandato.
Pinapayagan lamang kasi aniya ng FDA ang mga kompanya na mag-register ng kanilang produkto online kaya hindi natitingnan kung tama ang mga ingredients na nilalaman ng mga ito.
Samantala, aminado ang FDA na wala silang kakayahan sa pag-detect kung high-fructose corn syrup ang ginagamit ng mga kompanya.
Bukod dito, iisang machine lamang ang gamit nila sa pagsusuri sa mga produkto.
Nabatid na sa ilalim ng TRAIN Law, mas mataas ang buwis na ipinapataw sa high-fructose corn syrup kompara sa mga locally produced na asukal.










