Sa harap na diskusyon sa Taguig-Makati territorial dispute na pinal nang dinesisyunan ng Korte Suprema, lumiham sa lokal na pamahalaan ng Taguig ang mga residente ng Pembo Makati para madaliin na ang kanilang pag-takeover at mailipat na sila bilang mga residente ng lungsod.
Sa dalawang pahinang liham na naka-address sa mga opisyal ng lungsod mula sa grupo na Mandirigma ng Pembo, sinabi nilang mismong sila na mga residente ang gumagawa ng paraan para i-counter ang mga fake news patungkol sa posibleng negatibong idudulot ng final and executory decision ng Supreme Court.
“We would like to make known to you that we are eagerly awaiting for the complete takeover of Taguig City,” nakasaad sa liham.
Layon din ng liham na ipinadala ng mga residente sa Taguig na alamin kung ano ang mga maaari nilang asahan sa lungsod sa oras na maisakatuparan ang takeover.
Anila, mainam na ilahad ito upang mawakasan na ang fake news at ang agam-agam sa paglilipat ng mga residente.
Inamin din ng mga residente sa kanilang liham na mayroong nangyayaring mga black propaganda para siraan ang Taguig at mismong mga barangay officials na appointees at nasa hold over position ang nagsasagawa nito.
“They are busy suppressing and twisting the mindset of the people on the issue of Taguig vs Makati. Employees known to be supporters of Taguig are forced to resign. Those people are maligned, shamed and immediately removed from service without due process,” nakasaad pa sa liham.
Bilang panghuli, sinabi ng mga residente na ang kanilang hangad na mailipat na sa Taguig ay para makaiwas na rin sa sobrang pamumulitika sa Makati.
“We want to be free from suppression and cruelty that has been a result of the family feud of the Binay siblings. Our people only want to have a decent life and work,” giit pa nito.
Sadyang hindi inilabas ang mga signatory sa nasabing liham bilang proteksiyon din sa mga residente.