-- Advertisements --

Umaasa ang Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) na maipapalabas na ang Interpol Red Notice laban sa puganteng si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, kahit pa lumalabas na wala na ito sa Czech Republic.

Ayon kay PCTC Executive Director Maj. Gen. Romeo Prestoza, naisumite na sa Interpol Secretariat ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa kaso.

“We have already sent it to the (Interpol) secretariat… and we expect that… they can eventually grant us the red notice,” ani Prestoza sa isang press briefing ng Department of Justice (DOJ) sa Prague noong Lunes.

Dagdag niya, mahalaga ang Red Notice dahil kinakaharap umano ni Co ang mabibigat na kaso at kriminal na alegasyon.

Samantala, sinabi ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida na nakipagpulong na siya sa mga opisyal ng Czech Republic na kumpirmadong wala na sa kanilang kustodiya si Co.

Ayon sa Czech officials, hindi na rin nila alam ang kasalukuyang kinaroroonan ng dating kongresista at tumanggi na silang magbigay pa ng karagdagang detalye.