-- Advertisements --
image 108

Sa kabila ng presensiya ng mahigit sa 40 barko ng China malapit sa Pag-asa island na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa, hindi natitinag ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel na magpatrolya at tunguhin ang isla para sa pagdadala ng mga supply sa mga residente.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, mayroong dalawang Coast Guard vessels ang nagpapatrolya sa WPS gaya sa Union Bank at Recto Bank, subalit hindi pa sa Pag-asa island. Aniya kahit na malapit sila sa Pag-asa island hindi sila hinaharang ng nasabing mga barko ng China.

Inihayag pa ng PCG official na simula noong Marso 4 walang nakitang pagbabago sa bilang ng mga Chinese vessels na naka-angkla sa may Pag-asa island.

Sa pagtaya ng PCG, nasa humigit kumulang 4.5 hanggang 8 nautical miles ang layo ng mga chinese vessel mula sa Pag-asa island o sa loob 12 nautical mile territorial sea ng land features ng Pilipinas.

Ang Pag-asa island nga ang pinakamalaking isla sa Kalayaan Island group sa Palawan. Itinuturing itong tirahan ng nasa mahigit 400 sibilyan kabilang ang ilang 70 bata, stationed military sa lugar, law enforcement at civilian government personnel.