-- Advertisements --

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino, lalo na ang mga nasa impormal sector at mga self-employed, na regular na maghulog sa Social Security System o SSS at Pag-IBIG Fund upang matiyak ang kanilang seguridad sa hinaharap.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na nasa 44 milyong Pilipino na ang sakop ng SSS. Kabilang dito ang mga driver, vendor, gig workers, at mga job order at contract of service workers.

Ayon kay PBBM, layunin ng pamahalaan na mas marami pang manggagawa, lalo na ang mga nasa impormal na sektor, ang maging miyembro ng SSS.

Binigyang-diin din ng Pangulo na mahalaga ang SSS, Pag-IBIG Fund, at GSIS dahil nagbibigay ang mga ito ng tulong pinansyal sa panahon ng emergency, kalamidad, at iba pang krisis.

Samantala, sinabi rin ng Pangulo na patuloy ang pagpapatupad ng pabahay para sa Pilipino upang matugunan ang kakulangan sa pabahay sa bansa.

Napag-alaman na 500,000 pabahay na ang naipatayo o napondohan ng pamahalaan.

Dagdag pa ng Pangulo, itinaas na rin ng Pag-IBIG Fund ang maximum housing loan sa P10 million kada miyembro upang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng pagkakataong makabili ng sariling bahay.

Ipinagmalaki rin ni Marcos na halos pitong milyong overseas Filipino workers (OFWs) na ang may insurance, habang itinaas din ang minimum wage ng mga OFW na nagtatrabaho bilang domestic workers.

Bukod dito, inanunsyo rin PBBM ang pagtaas ng pension at subsistence allowance ng mga retiradong uniformed personnel bilang bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaan.