Inihayag ng Malacañang na hindi diktador si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para diktahan ang magiging desisyon hinggil legislated wage hike.
Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ng ilang progresibong grupo na kung gugustuhin ng Pangulo, maaari nitong ipatupad ang dagdag sahod sa pamamagitan lamang ng isang utos mula sa Malacañang.
Pero paglilinaw ni Palace Press Officer Claire Castro, hindi tutol ang Pangulo sa wage hike lalo’t makakabuti ito sa mga manggagawa.
Subalit dapat pa rin anyang sundin ang umiiral na proseso, kabilang ang pagsusuri ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa sahod ng bawat rehiyon.
Lalo’t taon-taon naman ay inaaral ng RTWPB ang kalagayang pang-ekonomiya sa mga lokalidad upang matukoy kung may sapat na batayan para sa pagtaas ng sahod.