Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Local Water Utilities Administration na magsagawa ng agarang imbestigasyon kaugnay ng kawalan ng suplay ng tubig sa ilang mga paaralan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na binigyan lamang ng Pangulo ng 48 oras ang LWUA upang magsumite ng ulat, kabilang ang pagtukoy kung sino ang dapat managot at ang dahilan ng problema.
Nais din ng Punong Ehekutibo na matugunan ang isyu at masigurong magkakaroon ng sapat na suplay ng tubig sa mga paaralan bago ang pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.
Binigyang-diin ng Pangulo na responsibilidad ng pamahalaan hindi lamang sa mga mag-aaral, kundi pati sa mga magulang, na tiyaking maayos ang pasilidad, may sapat na suporta sa mga guro, at gumagana ang sistema ng edukasyon, na aniya’y mahalagang pundasyon ng ligtas at epektibong pagkatuto.
Matatandaang sa isinagawang inspeksyon ng Pangulo sa ilang paaralan sa Bulacan kahapon, tumambad sa kanya ang kakulangan ng tubig sa mga palikuran kahit pa may binabayaran para sa water supply.