Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nabulgar na umano’y “pastillas scheme” sa Bureau of Immigration (BI).
Sa nasabing anomalya, nagbabayad umano ang mga POGO workers na nagpapanggap na Chinese tourists ng hanggang P10,000 sa Immigration personnel at nabibigyan pa ng “red carpet welcome” pagdating sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sen. Bong Go na nakausap na rin niya si Immigration Deputy Commissiner Tobias Javier at nagsabing imbestigahan din nito ang nasabing anomalya.
Ayon kay Sen. Go, hindi palalampasin ni Pangulong Duterte kung mapatunayang totoo ang nasabing anomalya at pananagutin ang sangkot na taga-Immigration.
Tiniyak din ni Sen. Go na ipapakain ni Pangulong Duterte sa Immigration personnel o opisyal ang perang nakabalot sa pastillas wraper kapag napatunayan itong sangkot sa katiwalian at nagpapapasok ng mga illegal POGO workers sa bansa.
Kasabay nito, tiniyak din ng senador na bukas ang kanyang tanggapan sa sino mang gustong magdetalye ng naturang kalakaran sa Immigration para matigil na ito sa lalong madaling panahon.
“Handa kaming tumulong ni pangulo. Ngayon, kung nandiyan pa rin ang korupsyon, wala tayong sisihan. At katunayan niyan, ‘yung sinasabi ninyong pastillas, ay ‘yung may palamang pera, siguraduhin niyo, irekomenmda ko kay Pangulong Duterte na ipakin ang pastillas niyo, lulunukin niyo talaga ‘yang pastillas na may lamang pera kung mahuli kayo. Ganun talaga ang mangyayari. Sa totoo lang, pinapakain ni Pangulong Duterte ng pera ang mga sakim, ‘yung mga mahilig sa pera, since mahilig kayo sa pera, lunukin niyo ‘yan,” ani Sen. Go sa Bombo Radyo.