-- Advertisements --

Ngayon pa lamang ay naghayag na ang Department of Trade and Industry (DTI) na hindi umano kasing saya ng Pasko noong mga nakaraang taon ang Pasko sa Disyembre dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Paliwanag ni Trade Secretary Ramon Lopez, kahit luwagan daw kasi ang quarantine restrictions ay siguradong mahigpit pa ring ipatutupad ang mga health protocols.

Dahil dito, malabo pa umanong bumali sa normal ang sitwasyon ng bansa pagdating ng buwan ng Disyembre.

Bahagi na aniya ng normal na proseso ang implementasyon ng granular lockdown maging sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).

Bagama’t maaari pa rin namang maging masaya o “merry” ang Christmas, inaasahan ni Lopez na wala na gaanong family reunion at limitado na ang selebrasyon at pagbibigayan ng regalo sa magkakalapit na mag-anak.

Dagdag pa ng kalihim, may kapangyarihan na ang local government units na i-adjust ang dine-in option capacity basta’t mananatili ang minimum health standards.

Partikular na maitataas nang higit pa sa 50 percent ang makakapasok sa food establishments pero dapat ay mahigpit ang one-meter rule na distansya, paglalagay ng barrier at iba pang health protocols.