Muling binigyan diin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tanging ang mga fully vaccinated lamang na pasahero ang maaring papasukin sa loob ng mga eroplano at iyong exempted sa restrictions.
Ayon kay CAAP Chief of Staff Atty. Danjun Lucas hindi tatanggapin ng mga airlines ang mga partially vaccinated na mga pasahero maliban na lamang kung pasok sila sa exemptions na itinakda naman ng Department of Transportation (DOTr).
Sa ilalim ng “No Vaccination, No Ride” policy ng DOTr, ang public transportation sa Metro Manila habang nasa ilalim ng Alert Level 3 ay para lamang sa mga fully vaccinated nang pasahero, na maaring patunayan sa pamamagitan nang pagpapakita ng physical o digital copies ng kanilang vaccination cards na ibinigay ng mga accredited agencies.
Enero 17 nang pormal na ipinatulad ng mga local carriers ang polisiyang ito.
Exempted naman sa naturang polisiya ay ang mga taong mayroong medical conditions na siyang dahilan kung bakit bawal silang mabakunahan kontra COVID-19 na maaring mapatunayan sa pamamagitan ng verified at duly-signed medical certificate, at iyong bibili ng essential goods at services.
Ang CAAP, nagpapatupad ng two-pronged approach sa polisiyang ito, kung saan ang mga security personnel ang siyang bahala sa screening ng mga biyahero bago sila papasok sa mga paliparan, at ang ticketing staff naman ang siyang nagsasagawa ng validation bago makatanggap ng boarding pass ang pasahero.
Ayon kay Lucas, maayos namang tinanggap ng publiko ang polisiyang ito kasunod ng soft implementation noong Sabado at Linggo, pero mayroong ilang mga pasaerho naman ang tumutol dito ngayong araw.










