Nilinaw ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) spokesperson, Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. na hindi sila kontra sa mga community pantry, kundi kinokondena lamang nila ang mga sumasakay ritong oportunista.
Ayon kay Parlade, maganda ang layunin ng mga ganitong gawain, ngunit nagiging hindi lang maganda dahil isinisiksik ng ilan ang kanilang personal na motibo para siraan ang gobyerno.
May iba ring nangongolekta ng pondo na hindi naman nakakarating sa mga tao, kundi ginagamit lamang para sa political intensions.
Kaugnay nito, maglalagay din ng sariling free food stand si Parlade para sa kaniyang mga kababayan sa Lucena City sa Quezon sa mga susunod na araw.
Nanawagan din itong i-rehistro muna ang mga community pantry para magkaroon ng maayos na sistema at maiwasan ang pakikisali ng ilang may masamang motibo.










