-- Advertisements --

Patay ang isang 29 anyos na pari ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) matapos ang nangyaring aksidente kaninang madaling araw, Hunyo 13, sa Brgy.Malusay, lungsod ng Guihulngan sa Negros Oriental.

Kinilala ang nasawi na si Rev Fr. Rexijan Jamito.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PSSG Michael Angelo Beli-ot,Traffic Investigator ng Guihulngan Police station, sinabi nito na batay sa kanilang imbestigasyon, sakay ng kanyang motorsiklo si Jamito patungong Brgy Hilaitan ng nasabing lungsod kung saan ito nakatalaga bilang Parish Priest.

Pagdating pa sa Brgy. Malusay, aksidenteng nabangga nito ang isang nakaparadang dump truck na minamaneho ni Giddi Estoya, 48 anyos at isang empleyado ng LGU Guihulngan.

Agad pa itong naisugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.

Dagdag ni Beli-ot na batay pa umano sa nakasaksi, mabilis ang takbo ng motorsiklo ni Jamito pero pagdating sa lugar ay may nakasalubong itong bus at posible pang nasilawan kaya hindi na nito napansin ang nakaparadang dump truck.

Samantala, nakikipag-ugnayan na umano ang lgu sa pamilya ng nasawi para sa tulong sa tulong na pwedeng maibigay habang nasa kustodiya naman ng Guihulngan Police station si Estoya at nakatakdang sampahan ng kasong Reckless Imprudence resulting to homicide.