LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Bicol Inter-Agency Task Force ang lumutang na impormasyon sa umano’y ipapatupad na border closure ng rehiyon sa mga biyahero, partikular na ang mula sa NCR Plus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inihayag ni Bicol IATF chairman at DILG Bicol Regional Director Anthony Nuyda na hindi tuluyang isasara kundi maghihigpit lamang umano sa protocols lalo na sa mga hindi naman essential travels.
Maraming local government unit umano ang naaalarma sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga naturang lugar.
Sa kabila nito, may mga biyahero ang nakakalusot sa borders lulan ng mga colorium na van subalit kalaunan ay napapag-alamang positibo sa antigen test.
Nagpadagdag na rin ng magbabantay sa border control ang PNP habang tuloy-tuloy ang operasyon ng Land Transportation Office (LTO).
Ipinaalala pa ni Nuyda sa mga babiyahe na tiyaking may dalang lehitimong RT-PCR o kaya’t antigen test result bago bumiyahe ang mga mula sa ibang rehiyon.