-- Advertisements --

Itinutulak ngayon sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong obligahin ang mga employers na obligahin ang kanilang mga empleyado na magpabakuna kontra COVID-19.

Sinabi ni AGAP party-list Rep. Rico Geron na layon ng inihain niyang House Bill No. 10458 na mabakunahan kontra COVID-19 ang lahat ng mga miyembro ng labor force sa bansa.

Ipinunto ng kongresista na sa ngayon ay marami sa mga employers ang gumagawa na ng hakbang para himukin ang kanilang mga empleyado na magpabakuna na kontra COVID-19.

Ang pagpapabakuna sa mga manggagawa ay hindi lamang para sa sariling kaligtasan kundi para na rin sa kanilang mga kasamahan sa trabaho, mga kliyente o customer, at maging sa kanilang mga pamilya.

Nakasaad sa panukala ni Geron na sa supply mismo ng pamahalaan manggagaling ang mga bakunang gagamitin para sa mga manggagawa.