Lusot na sa House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang panukalang naglalayong bigyan ng financial assistance ang mga negosyong apektado ng COVID-19 crisis.
Iaakyat na sa plenaryo ng Kamara para sa ikalawang pagbasa ang substitute bill ng House Bill 6795, o ang proposed Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE Act).
Target ng panukalang ito na mapalakas ang kapasidad ng mga government financial institutions (GFIs), partikular na ang Philippine Guarantee Corporation (PGC), Land Bank of the Philippines (LBP), at Development Bank of the Philippines (DBP).
Ito ay para na rin na makapagbigay ang PGC, LBP at DBP ng tulong pinansyal sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) at iba pang kompanya sa pamamagitan ng loan assistance programs, rediscounting at iba pang credit accommodation facilities.
Binibigyan din ng kapangyarihan ng panukalang ito ang LBP at DBP na magtatag ng isang special holding company.
Ayon sa pangunahing may-akda ng panukala na si Quirino Rep. Junie Cua, magsisilbing “major player” ang special holding company na ito pagdating sa financial at capital markets.
Ito kasi aniya ang siyang magbibigay ng ayuda sa mga itinuturing “strategically important companies” na sa ngayon ay may liquidity issues bunsod ng Covid-19 pandemic.
Ang special holding company na ito ay papayagan na i-invest o ilagay ang pondong hawak sa equity, magpatupad ng convertible loans o bumili ng convertible bonds at iba pang securities
Sa ilalim ng panukala, P5 billion ang ilalaan para sa PGC bilang karagdagang kapital, at PHP50 billion sa LBP at DBP.










