-- Advertisements --

Isang nagngangalang Noelle Prudente na naging tulay ng ilang negosyante kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos noong nakaraang eleksyon ang siyang nasa likod ng paninira ngayon kay Executive Secretary Vic Rodriguez.

Ito ang ibinunyag ng isang source na malapit sa Malacañang matapos ang mga lumalabas na paninira kay Rodriguez.

Ang pinakahuli ay ang kumalat na artikulo na nagbitiw ito sa puwesto na malinaw na isang fake news.

Ayon sa source, itinuturing ngayon na power broker sa Malacañang si Prudente at ilan sa sinasabing juicy position na nilobby nito ay ang Bureau of Customs(BOC), Bureau of Internal Revenue(BIR) at Land Transportation Office(LTO).

Ipinagmamalaki umano ni Prudente na naging masipag siya sa pagso-solicit noong nakaraang eleksyon sa mga negosyanteng gustong tumulong sa Uniteam na karamihan ay mga Chinese businessman sa Cavite.

Maraming negosyante ang pinangakuan ni Prudente na mabibigyan ng malaking projects kapalit ng hininging pera kaya naman para makontrol nito ang pagtatalaga ng mga opisyal sa gobyerno ay tinatarget nyang siraan si Rodriguez na itinuturing na “ little president” sa inilunsad nyang malawalang black propaganda.

Sinabi ng source na makasisira sa administrasyon ang patuloy na presensiya ni Prudente sa Malacañang dahil kilala ito na malapit sa mga negosyante at opisyal ng gobyerno na nahaharap sa ilang kontrobersiya at kaso.

Sa katunayan ilan sa inirekomenda ni Prudente na maupo sa pwesto ay hinarang ni RJ Nieto o kilala sa vlogger name na Thinking Pinoy na isa sa miyembro ng screening committee ni Pangulong Marcos.

Sinabi ni Nieto na may “fictitious character” ang inirerekomenda ni Prudente kaya hindi ito maaaring maiupo sa pwesto.

Matatandaan na noong 2018 ay sinibak sa pwesto sa Bureau of Customs (BoC) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Noel Prudente, hindi naman batid kung iisang tao lamang ito o magkapangalan lamang.