KORONADAL CITY – Desididong magsampa ng reklamo laban kay Kabus Padatoon (KAPA) founder Joel Apolinario ang isang ginang na nakapag-invest ng pera sa nasabing investment scam.
Napag-alaman na dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Koronadal si alyas Linda, residente ng Koronadal City, upang magpatulong sa pormal na pagsasampa nito ng reklamo laban kay Apolinario at iba pang sangkot sa KAPA investment scam sa National Bureau of Investigation.
Ayon kay Linda, Mayo 2019 at nitong unang linggo ng Hunyo 2019 lamang siya nakapag-invest ng P100,000 matapos maengganyo ng anak at ng ilang sundalo at government officials.
Sa ngayon, dismayado si Linda dahil nagtatago na ang founder at walang kasiguraduhan na maibabalik ang kanilang pera.
Nanawagan din ito sa KAPA founder at mga kasamahan nito na itigil na ang pag-brainwash sa mga miyembro na muling makakapag-operate.
Malinaw aniya kasi na iligal ang operasyon ng mga ito at ipinasara na ng gobyerno upang hindi na makapangbiktima pa ng mas maraming mga Pilipino.