
Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. daw mismo ang nagtutulak sa Kongreso para maipasa ang batas na magtatatag sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, nais daw kasi ng Pangulong Marcos na gamitin ang pondo rito para sa investment.
Naglalaman ang proposal o ang House Bill 6398 na ma-maximize ang investible state assets para sa pagpapaganda ng social services.
Kasama sa mga may akda sa naturang panukalang batas sina Speaker Martin Romualdez at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Sa ilalim ng naturang measure, ang Maharlika Investment Fund ay magkakaroon ng initial fund na P250 billion.
Kukunin ang pondo sa Government Service Insurance System na may P125 billion, Social Security System na may P50 billion, Land Bank of the Philippines na may P50 billion at Development Bank of the Philippines na may P25 billion.
Minamandato rin ng panukalang batas ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corporation na tulungan ang Maharlika Investment Fund.
Otorisado rin ang Presidente na pag-appoint ng dalawang independent directors sa board of the Maharika Investments Corporation na siyang mangangasiwa sa operasyon ng disbursement at management ng Maharlika Investment Fund.
Una rito, kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang panukalang batas.
Tinanong ni ACT party-list Rep. France Castro kung mayroong extra o reserve funds ang SSS.
Kung mayroon daw bakit hindi makapaglaan ang ahensiya ng karagdagang pension para sa mga senior citizen ng bansa.
Maging si House Deputy Minority Leader Paul Daza ay nagbabala rin sa probisyon ng naturang batas na nagbibigay ng malaking kontrol sa Pangulo kung saan gagamitin ang public funds.
Dahil dito, nakatakda namang magsagawa ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries ng konsultasyon sa Lunes para makita kung sino ang posibleng maapektuhan ng naturang bill gaya ng contributors ng Government Security Insurance System (GSIS).
Isusumite naman ang bill sa House committee on ways and means at committee on appropriations para sa hiwalay na deliberasyon.
Sa panig ng Senaddo, tiniyak naman ni Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na ang proposed Maharlika Investment Fund ay dadaan sa butas ng karayon sa chamber.
Una nang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor ay inirekomenda ang establishment ng investment fund na kahalintulad ng nasa ibang bansa sa Asya.










