Nais ng mga senador na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa pang-aabuso na ginawa ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kaniyang 51-anyos na staff.
Nanlumo umano si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri nang mapanood nito ang video na makikita ang pambubugbog ni Mauro sa nasabing embassy service staff.
Hindi raw nito lubos maisip na ang mga ganitong opisyal ay kayang manakit ng kapwa nila Pilipino na kanilang ipinangakong poprotektahan.
Batay sa video na ipinakita ng Brazilian news channel na GloboNews, kitang-kita sa security camera ang ilang beses na pananakit ni Mauro sa biktima.
Para naman kay Senate labor committee chairperson Sen. Joel Villanueva, hindi katanggap-tanggap na ganitong pangma-maltrato ang mangyayari ng Pinay sa kamay ng kapwa niya Pilipino.
Dahil dito ay kapwa nanawagan ang dalawang mambabatas sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kaagad simulan ang imbestigasyon sa Mauro na kalaunan ay ni-recall dahil sa kaniyang ginawa.
Saad ni Villanueva, ang embahada ng Pilipinas dapat ang nangangalaga sa mga kababayan natin na nasa labas ng bansa.
Kung mismong ambassador aniya ng Pilipinas ang mang-aabuso ay paano na lamang daw magtitiwala ang mga kababayan nating na sila ay maayos na mapo-protektahan.
Aabot naman ng 1,200 overseas Filipino workers (OFW) ang kasalukuyang nasa Brazil.










