LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ni AFP (Armed Forces of the Philippines) Southern Luzon Command chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr., na ginagawa lamang nito ang trabaho sa gitna ng mga panawagan ng ilang grupo na pagbaba sa tungkulin.
Naging kontrobersya kasi ang pagbanta umano ni Parlade sa isang journalist kaugnay sa artikulong isinulat nito hinggil sa inihaing petisyon sa Kamara ng grupo ng mga Aeta, na sinasabing nagbibigay ng suporta sa mga terorista.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Parlade, sinabi nito na wala siyang magagawa sa panawagan ng ilang personalidad na mawala siya sa serbisyo dahil karapatan at opinyon nila ito.
Subalit kung pakikinggan aniya ang naturang report ng journalist ay makikitang bias talaga at may mali.
Nagkaroon na rin ng imbestigasyon maging ang Commission on Human Rights na peke ang sinasabing pag-torture ng mga militar sa mga Aeta.
Dahil kung hangad aniya nila ng katotohanan, bakit hindi kinuha ang panig ng AFP at nagsagawa ng malawakang imbestigasyon bago ipalabas ang artikulo?
Maliban pa rito, mismong ang gobyerno na rin ang nagpahayag na walang basehan ang mga alegasyon at nagpapakita lamang ito na mayroong propaganda.
Ayon kay Parlade, ginagawa niya lamang ang trabaho sa hangaring matapos na ang propaganda at insurhensya sa komunidad.










