-- Advertisements --

Tinanggihan ng Malacañang ang panawagan ng grupo ng mga doktor na ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region sa gitna ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.

Magugunitang nananawagan ang Philippine College of Physicians na kahit dalawang linggo lang ilagay uli sa ECQ ang Metro Manila para mabigyan ang mga health workers ng pagkakataong makapahinga at bumawi sa matinding kapaguran na sa walang tigil na admission ng COVID-19 patients sa mga ospital.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagamit at naging epektibo na raw noon ang strict lockdown sa Metro Manila at kailangan ng paigtingin ang ibang estratehiya.

Ayon kay Sec. Roque, kahit nasa general community quarantine ang Metro Manila, inaatasan naman ang mga local government units (LGUs) sa rehiyon na magpatupad ng mahigpit na localized lockdown / enhanced community quarantine (ECQ) sa mga barangay kung saan matatagpuan ang 80 percent ng mga COVID-19 cases.

Kailangan din daw ipatupad ng mga LGUs ang minimum public health standards gaya ng massive targeted testing, intensified tracing, quarantine sa mga close contacts at mahigpit na implementasyon ng Oplan Kalinga para sa isolation ng mga kumpirmadong kaso.

“The strict lockdown in Metro Manila has served its purpose, and we need to intensify other strategies,” ani Sec. Roque.

“Community quarantine alone, we repeat, is an insufficient response in controlling COVID-19. We are scaling up hospital capacity by increasing allocation of COVID-dedicated beds while hiring more doctors, nurses, and medical-personnel.”