Mariing kinontra ng Malacañang ang panawagan ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa publiko na huwag nang magsuot ng facemask at manalig na lamang sa pananampalataya sa Panginoon para makaiwas sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mas makabubuti kung tutukan na lamang ni Archbisop Arguelles ang kanyang tungkulin sa lipunan bilang isang kagawad ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Sec. Roque, hindi maikakaila na ang pagsusuot ng facemask ay napatunayan na sa science na pinakamabisang paraan para makaiwas sa COVID-19.
Umapela rin si Sec. Roque kay Archbishop Arguelles gamitin ang kanilang impluwensya at hikayatin ang taongbayan na magsuot ng facemask.
“Kay Bishop, Sir, I hope we stick to our roles in society. Ang mga bishops po kinakailangan sa pananampalataya lang ng mga tao. Pero napatunayan na po ng siyensiya at ng mga doktor na napaka epektibo po ng pagsusuot ng face mask para maiwasan po ang Covid,” ani Sec. Roque.
“Sana po gamitin na lang natin yung impluwensya natin sa lipunan para tulungan yung bayan na mabawasan ang kaso ng COVID. I-encourage po natin ang pagsusuot ng facemasks kaysa po i-discourage.”