-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinaghahanap pa rin ng mga otoridad ang tumakas na driver ng delivery truck na nakasagasa at nakapatay sa isang lalaki at nakasugat sa kinakasama nito sa Alicia, Isabela.

Ang nasawi ay si Fedirico Rico, 31-anyos, freelance employee habang ang angkas naman nitong nasugatan ay ang kanyang kinakasama na si Shiela Mae Rodillas, 23-anyos, kapwa residente ng Barangcuag, Angadanan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ruby Rico Julian, kapatid ng nasawi, sinabi niya na may tatlong maliliit na anak na naulila ang kanyang kapatid kaya nanawagan siya sa driver na sumuko na at makonsensya.

Nakahanda naman umano ang pamilya na makipag-usap sa driver at hiling nila ngayon na tulungan sila sa mga gastusin lalo na at nakatakda ring operahan ang kinakasama ng nasawi dahil sa natamo nitong pinsala sa aksidente.

Sinabi rin ni Julian na walang dapat ipag-alala ang pinaghihinalaan dahil ang nais lamang nila ay tumulong sa kanilang mga gastusin.

Nakaburol ang labi ng biktima sa bahay ng kanyang ina sa Brgy. Purok ni Bulan sa Ramon Isabela.