-- Advertisements --

Nananawagan ngayon sa pulisya ang pamilya ng umano’y biktima ng hazing sa Cebu na pabilisan ang kanilang imbestigasyon upang magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng 20 anyos na lalaki.

Sa ginanap na press conference kahapon,Marso 2, sinabi ni Leny Baguio, ina ng biktimang si Ronnel Baguio, na namatay ang kanyang anak noong Disyembre 2022 matapos sumailalim sa initiation rites ng TAU GAMMA PHI fraternity.

Ayon kay Leny, noong Disyembre 18, nagrereklamo pa umano ang kanyang anak ng pagkahilo, pagsusuka na may kasamang dugo at kakapusan sa paghinga at tuluyan na itong binawian ng buhay noong Disyembre 19, 2022.

Batay sa death certificate ang sanhi ng pagkamatay ng estudyante ay severe acute respiratory distress syndrome secondary to indirect lung injury, acute kidney injury secondary to rhabdomyolysis, rhabdomyolysis secondary to multiple physical injury.

Lumalabas pa sa imbestigasyon na sangkot sa hazing ang instructor ng University of Cebu na si Rogelson Getaruelas.

Samantala, mariing kinondena naman ng unibersidad ang insidente at nangakong makipagtulungan sila sa pulisya at pamilya ng biktima para makamit ang hustisya.

Sa kasalukuyan, hinihintay nalang na ma-authenticate ng cybercrime lab ang mga mensahe mula sa cellphone ng second year marine engineering student upang maisama sa complaint.

Patuloy namang isinagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung sino pa ang ibang sangkot sa naturang hazing para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Baguio.