Magsisimula nang mamahagi ng libreng bigas ang mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) sa susunod na linggo.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakatakda na ang rollout ng programa bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ng Pangulo na gagamitin ng mga local government units (LGUs) ang hindi bababa sa 50 porsyento ng kanilang LGSF para sa pagbili at pamamahagi ng bigas sa kanilang mga nasasakupan.
Tiniyak din ng Pangulo na may sapat na suplay ng pataba para sa susunod na taniman upang masuportahan ang produksyon ng agrikultura sa bansa.
Dagdag pa niya, bilang tulong sa pagpapababa ng presyo ng pagkain, ibinaba sa piso ang RoRo terminal fee para sa mga sasakyang nagdadala ng agricultural products, na inaasahang makababawas sa gastos sa transportasyon.
Ayon pa sa Pangulo, sinimulan na ang pamamahagi ng pondo ng LGSF sa mga LGU bago pa ang tensyon at giyera sa Middle East.
Samantala, nangako naman ang mga manufacturer na hindi magtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kinumpirma rin ng Pangulo na pinalawak na ng pamahalaan ang 20-pesong bigas na mabibili na sa 627 centers sa buong bansa upang mas maraming mamamayan ang makinabang sa murang suplay ng pagkain.
Binigyang-diin ng Pangulo na sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis, nais ng pamahalaan na hindi ito direktang maipasa sa mga consumer.
Dahil dito, patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga sektor na labis na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
















