Iginiit ng Malacañang na dapat lamang na respetuhin ng 11 UN Special Rapporteurs ang judicial system ng Pilipinas.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang hikayatin ng mga ito ang mga kasapi ng United Nations (UN) na magsulong ng sanctions laban sa mga Philippine officials na umano’y nakagawa o nabigong pigilan ang human rights abuses sa bansa.
Sinabi ni Sec. Roque, tulad ng mga nauna na nilang pahayag, ang bansa ay mayroong gumagana at independent na hudikatura na lumilitis sa mga human rights violators.
Ayon kay Sec. Roque, mayroong batas sa Pilipinas laban sa torture at enforced disappearances at enforce international humanitarian law at penal laws para protektagan at i-promote ang karapatang pantao na napapaloob sa Konstitusyon.
Inihayag ni Sec. Roque na kung mayroong reklamo laban sa sinomang opisyal ng gobyerno sa bansa, dapat lamang na ireklamo ito sa piskalya dito sa Pilipinas at hindi sa dayuhang hukuman.
Maituturing umanong paglabag sa soberanya ng bansa kung dudulog ang sinoman sa international court gayung gumagana naman ang justice system ng Pilipinas.
















