Umalma ang Malacañang sa inilabas na ulat ng World Health Organization (WHO) na nagsasabing Pilipinas ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Western Pacific region.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, maling ikumpara ng WHO ang Pilipinas sa Singapore at dito magbabatay ng konklusyon para palabasing mabilis ang pag-akyat sa kaso ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Sec. Roque, dapat ay per million population ang ginawang sukatan o basehan ng World Health Organization sa pagdetermina kung gaano kabilis tumataas ang kaso ng corona virus sa alinmang bansa.
Lalabas umanong pang-anim lang ang Pilipinas sa rehiyon kung ang formula na gagamitin ay ratio ng number of cases per million population.
Mali rin daw na ikumpara ang Pilipinas sa Singapore dahil kung populasyon ang pag-uusapan ay di hamak na mas mababa ang populasyon nito na nasa limang milyon lamang.
















