-- Advertisements --

Nauunawaan umano ng Malacañang ang lumabas na resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na nagsasabing mayorya o 57 percent ng mga Pilipino ay naniniwalang aasahan pa ang mas masamang sitwasyon sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, naiintindihan nila ang pagiging “pessimistic” ng ating kababayan dahil napakahirap talaga ng sitwasyon dulot ng pandemiya.

Pero ayon kay Sec. Roque, sinapit na ng bansa ang pinakamasamang epekto ng COVID-19 noong isinara ang ekonomiya sa pamamagitan ng total lockdown.

Muli namang ipinaalala ni Sec. Roque na pwede namang mabuhay at maghanapbuhay basta pag-ingtatan ang ating kalusugan sa pamamagitan ng “hugas, mask at iwas.”

“Naintindihan po natin ‘yung pessimism ng ating kababayan dahil napakahirap po talaga nitong pandemiya na dinulot nito. Pero ang masasabi ko lang po the worst is over. Kaya lang naman po we hit rock bottom dahil sinara natin ang ekonomiya,” ani Sec. Roque.

“Pero ang sinasabi lang po ng ating Pangulo [ay] puwede naman pong mabuhay basta pag-ingatan po ang ating mga kalusugan para tayo ay makapaghanapbuhay at makakamit natin ito sa pamamagitan ng hugas, mask, at iwas.”