-- Advertisements --

Nanawagan ang Malacañang sa lahat ng local government units (LGUs) sa buong Pilipinas na hindi sakop ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na aksyunan na ang lahat ng mga aplikasyon ng mga telecommunications company (telcos) at iba pang mga kompanya.

Magugunitang tatlong araw lamang ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mayor para pirmahan at aprubahan ang mga aplikasyon ng telcos para makapagpatayo sila ng mga dagdag na cellsites

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nauunawaan ni Pangulong Duterte ang problema ng ilang telcos kaya mahina o mabagal ang kanilang ibinibigay na internet connection.

Ayon kay Sec. Roque, may mga pagkakataon pa na humihingi ng resolusyon ang mga LGUs mula sa mga miyembro ng city at municipal councils na hindi naman umano dumarating o ibinibigay.

Ilan lamang umano ito sa mga dahilan kung bakit binigyan ng three-day deadline ni Pangulong Duterte ang mga lokal na pamahalaan para aksyunan ang application for improvement ng mga kompanya ng telekomunikasyon sa bansa.

Binigyang-diin ni Sec. Roque na sinumang mabibigong tuparin ang kautusan ni Pangulong Duterte ay posibleng patawan ng kaukulang parusa sa ilalim ng Anti-Red Tape Act