-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Malacañang na nakadepende ang Pilipinas sa mabubuong bakuna laban sa COVID-19 ng China kaya hindi agresibo si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggigiit ng arbitral ruling sa South China Sea.

Magugunitang sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA), inihayag ni Pangulong Duterte na kinausap na nito si Chinese Prtesident Xi Jinping na gawing prayoridad ang Pilipinas na bibigyan o bebentahan ng kanilang COVID-19 vaccine kapag nabuo at available na.

Ito naman ay kinumpirma ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin sa pagsasabing prayoridad nila ang Pilipinas na susuplyan ng bakuna.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang katiyakan na ito ng China ay bunga ng independent foreign policy ng Pilipinas na kaibigan ng lahat at walang kaaway.

Ayon kay Sec. Roque, nagpapasalamat sila sa gobyerno ng China dahil isinapublikong posisyon nila na isa ang Pilipinas sa makikinabang sa kanilang bakuna.

Hindi lamang din daw sa China umaasa ng bakuna ang Pilipinas kaya kinakaibigan ang lahat para aling bansa man ang maunang magkaroon ng bakuna ay bibigyan din tayo ng supply.