-- Advertisements --

Nanindigan ang Malacañang na walang “cronies” si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, walang mga kaibigang negosyante si Pangulong Duterte ang yumaman habang nanunungkulan ang punong ehekutibo.

Magugunitang isa sa mga negosyanteng malapit kay Pangulong Duterte si Dennis Uy.
Ayon kay Sec. Roque, matagal nang mayaman si Uy bago pa man naging presidente si Pangulong Duterte.

Matagal na umanong nasa pagmimina ng ginto sa Mount Diwalwal si Uy.

Inihayag ni Sec. Roque na hindi na kailangang tulungan pa ni Pangulong Duterte si Uy para yumaman.

Maliban sa pagmimina ng ginto, pinasok na rin ni Uy ang industriya ng telekomunikasyon kung saan ang kanyang kompanya ang magsisilbing third telecommunications company (Telco) player sa bansa.

“Well, ang alam ko naman po mayaman na si Dennis Uy dati pa. So kung akalain ninyo pong yumaman si Dennis Uy, siguro po mas mayaman na siya ngayon pero sa mula’t mula mining po sila, sila po iyong sa Diwalwal so hindi na po sila kinakailangan tulungan ng Presidente para lumaki. Iyan po ang pagkakaalam ko sa background ni Dennis Uy,” ani Sec. Roque.