Mariing itinanggi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi gumagana ang quarantine strategy ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) para mapigil ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.
Tuloy pa rin kasi ang mabilis na pagtaas ng kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bawat araw.
Sinabi ni Sec. Roque, kung hindi nagpatupad ng community quarantine ang gobyerno, malamang ay umabot na ngayon sa milyun-milyon ang may COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Sec. Roque, sa kanyang nakikita sa data, gumagana ang community quarantine dahil maliit ang naitatalang bilang ng mga namamatay sa virus na ito kumpara sa rekord ng ibang mga bansa sa mundo.
Inihayag ni Sec. Roque na ang mahalaga ngayon ay makisama at makiisa ang publiko sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19 lalo na sa bagong “Oplan Kalinga” program.
Lumalabas daw kasi sa data na ang mga mild at asymptomatic sa virus ang silang mabilis magpakalat ng sakit sa komunidad dahil wala silang sariling isolation facility at walang sariling banyo sa kanilang mga tahanan.
















