-- Advertisements --

Para mapabilis ang pagbili ng COVID-19 vaccines, inihain ni Speaker Lord Allan Velasco ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan sa local government units (LGUs) na bumili ng direkta sa mga manufacturers.

Layon ng inihain niyang House Bill 8648, o ang proposed Emergency Vaccine Procurement Act of 2021, na padaliin ang proseso nang pagbili ng mga LGUs mula sa mga gumagawa mismo ng COVID-19 vaccines.

Binibigyan exemption ng panukalang batas na ito ang compliance ng LGUs sa Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act sa pagbili ng mga COVID-19 vaccines at iba pang kailangan na supplies at gamot sa gitna ng pandemya.

Pinapahintulutan din ang mga probinsya, lungsod at munisipalidad na magbayad ng advance na hindi lalagpas sa 50 percent ng halaga ng kontrata para sa pagbili ng COVID-19 vaccines at gamot na registered sa Food and Drugs Administration o nabigyan ng emergency use authorization status.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Velasco na magiging mabilis, epektibo, efficient at equitable vaccination program ng pamahalaan.

Mahalaga aniyang ang mabilis na pagkilos sa kasalukuyang sitwasyon dahil malaki ang lugi ng pamahalaan sa kada araw, at maraming buhay din ang nailalagay sa peligro, kapag hindi pa nasosolusyunan ang banta na hatid ng COVID-19.

Base sa pagtataya ng National Economic Development Authority (NEDA), sa kada linggo na tumatagal ang enhance community quarantine o modified enhanced community quarantine sa National Capital Region at mga kalapit na rehiyon lamang, aabot sa 0.28 percentage points sa gross domestic product (GDP) growth ng bansa ang nawawala, o katumbas ng nasa P2.1 billion sa sahod ng mga manggagawa kada araw.