-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na hindi simpleng pahayag ang umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kung hindi maituturing na pagbabanta ang mga naging pahayag ng bise presidente, dapat ipaliwanag ng kampo nito kung ano ang tunay na kahulugan ng mga ito.

Sinabi rin ni Castro na ang usapin ay may kinalaman sa national security dahil ang target umano ng pagbabanta ay ang Pangulo ng bansa at ang nagsalita ay ang nakaupong bise presidente.

Hinamon din niya ang kampo ni Duterte na patunayan ang mga dahilan na kanilang inilahad bilang depensa, kabilang ang umano’y panggigipit sa dating chief of staff na si Zuleika Lopez at ang sinasabing banta sa buhay ng bise presidente.

“Isang katawa-tawa ang ganiyang mga pahayag. Unang-una, hindi ito lihim; lahat ng tao halos nakapanood, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Ang grave threats, alam ng bawat Pilipino ay nako-consummate kapag iyong taong binanatan ay nalaman ito. Ito ay livestream, lahat tayo nakapanood dito. Hindi ba ito mapapanood mismo ng taong kaniyang pinagbantaan? Again, hindi ito simpleng grave threats. Sa grave threats, kahit hindi kaharap iyong taong pinagbantaan, basta nalaman niya, consummated ang crime. Uulitin natin, hindi ito simpleng grave threats. Ito ay mayroong kaugnayan sa national security ng ating bansa,” pahayag ni Usec. Claire Castro.