Nilinaw ng Malacañang na walang magiging epekto ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalalabasan ng pag-aaral ng mga eksperto ng bansa sa Sputnik V vaccine ng Russia.
Magugunitang nagpahayag ng tiwala si Pangulong Duterte sa nasabing bakuna ng Russia laban sa COVID-19 at handa raw itong unang maturukan pag available na.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang mga pag-aaral na ito ay gagawin ng mga scientist at hindi mga pulitiko.
Ayon kay Sec. Roque, ibig sabihin, susunod sa mahigpit na scientific protocols ang mga magsasagawa ng pag-aaral.
Una na ring sinabi ni Sec. Roque na maliban sa una nang napagkasunduan ng Gamaleya, Department of Scientist and Technology (DOST) at Department of Health (DOH) na kooperasyon para sa pagsasagawa ng phase 3 clinical trial para sa COVID-19 vaccine ng Russia, ang DOST ay gagawa rin ng hiwalay na pag-aaral na popondohan rin mismo ng ahensya.















