-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkakontento ang World Health Organization (WHO) sa gobyerno ng Pilipinas kaugnay sa pagtugon sa Wuhan coronavirus.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni WHO Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, nasaksihan nila ang maayos na reaksyon at aksyon ng Department of Health (DOH) mula nang pumutok ang outbreak ng novel coronavirus (n-cov).

Ayon kay Dr. Abi, katunayan ay proactive ang gobyerno ng Pilipinas at patuloy ang kanilang koordinasyon sa DOH para ma-update sa “fact-based developments and approach” mula sa mga medical experts.

Sa ngayon aniya ay nananatiling walang community spread ng n-cov sa Pilipinas.

Naniniwala rin ang WHO na kayang-kayang kontrolin ang virus at kaya ring pigilan ang pagkalat pa nito.

Sa ngayon, mahigit 17,000 cases na ng n-cov ang naitala kung saan pinakamarami rito ang galing sa China; nasa 362 deaths sa China at isa sa Pilipinas, habang nasa 23 bansa na ang nakapag-report ng n-cov cases na karaniwang may travel histroy sa Wuhan, Hubei province sa China.