-- Advertisements --
Senator Angara

Nirerespeto ni senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara ang desisyon ng kamara sa pag-alis ng confidential fund ng ilang ahensya ng gobyerno.

Una rito, kinumpirma ni Appropriations Panel Chair at Ako Bicol Representative Elizaldy Co na unanimous ang desisyon ng small committee na tanggalin na at gawing zero budget ang confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President, Department of Education (DepEd), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Agriculture (DA) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay angara, bilang isang co-equal branch ay hindi siya makakapagkomento sa naging aksyon ng kamara.

Sila aniya sa senado, pag-uusapan nila ang isyung ito pagdating ng period of ammendments.

Sa mfa puntong ito ay hindi pa matimbang ni angara ang pulso ng mga kapwa niya senador tungkol sa pagbibigay ng confidential fund, lalo na sa mga civilian agencies ng gobyerno dahil iba-iba pa sa ngayon ang naririnig niyang mga posisyon ng mga kasamahan niya tungkol dito.

Kailangan pa aniya nilang pag usapang ang pagbibigay ng CIF ng agency by agency.

Samantala, hindi naman tiyak ni angara kung mahihintay ng kanyang kumite ang magiging resulta ng pagrepaso na ginagawa ng senate special committee on intelligence and confidential fund dahil may sinusunod silang timeline para sa pagpapasa ng panukalang pondo para sa taong 2024.

Gayunpaman, pabor ang senador na magandang pamantayan ang pagkilatis sa naging paggamit ng iba’t ibang tanggapan ng kanilang CIF sa pagdedesisyon kung gagawaran pa sila , babawasan o dadagdagan nito para sa susunod na taon.

Target ng mataas na kapulungan na matapos ang mga committee hearing tungkol sa mga panukalang pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno hanggang sa susunod na linggo at matapos ang committee report dito sa unang linggo ng Nobyembre.