BOMBO DAGUPAN- Tinututukan ng Samahang Industriya ng Agrikultura ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng bigas sa probinsya.
Ayon kay Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura, ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng bigas sa probinsya ay dahil sa ginagawang pagbili o pag-angkat pa ng Bulacan ng supply ng palay dito sa ating probinsya na nagkakahalaga ng P33-P34 per kilo o katumbas ng P54 per kilo ng bigas. Dahil dito ay nagkaroon ng kakulangan ng supply nito.Giit ni So, kakaunti pa lang ang naaaning palay kung kaya’t mataas pa rin ang presyo ng bigas.
Kaugnay nito, ang estimated na maani sa buwan ng Hulyo hanggang Septyembre ay aabot sa 2.4 milyon metric tons, habang sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre naman ay aabot sa 4.6 metric tons.
Dagdag pa rito, sinabi ni So na halos araw-araw ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng palay. BUkod dyan ay wala pang stock ang National Food Authority o NFA kung kaya’t apektado ang pagtaas ng presyo.
Kaugnay nito, tumaas naman ang world market price ng bigas na umaabot sa 2,500 ang import sa Thailand o katumbas ng 50 pesos per kilo.