-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Ikinatuwa ng Migrante International ang pagsuspinde ng Inter-Agency Council Against Trafficking sa mga Rules and Regulations na inilabas nito kaugnay sa mga Pilipino na babiyahe palabas ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Migrante International Vice Chairperson Arman Hernando, binigyang-diin nito na kanilang ipinanawagan na huwag ipatupad ang mga tuntunin na masyadong abusado at nanghihimasok sa karapatan ng bawat isa sa pagbiyahe.

Aniya na sa dami ng mga requirements na knakailangang ihanda at dalhin sa paliparan, at maging sa pagbibigay ng malawak na diskresyon sa mga awtoridad sa pagbusisi sa tuwing lalabas ng bansa ay tiyak na malalabag nito ang karapatan ng maraming Pilipino.

Saad pa nito na ang konteksto ng mga tuntunin na nakasaad at inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking ay sa panahon kung kailan marami ang nagrereklamo sa abusado at mahigpit na patakaran sa loob ng Ninoy Aquino International Airport, lalo na sa mga sobra at mali-maling apprehension o panghuhuli ng mga immigration officers, gaya na lamang noong 2022 kung saan 32,404 sa mga Pilipino na na-offload, ay lumalabas naman na ang bilang ng mga sangkot sa human trafficking ay nasa 472 katao lamang.

Sa kabila nito, maituturing lamang ito ani Hernando bilang maliit na tagumpay sapagkat suspensyon lamang ang ginawa sa naturang usapin, at maaaring ibalik at ipatupad ito kapag humupa na ang galit ng mga Pilipino at kung walang mga aalma.

Kaya naman ay nagpapatuloy ang kanilang panawagan na patuloy itong ibasura dahil ito aniya talaga ang lumalabag sa karapatan ng mga Pilipino na lumabas ng bansa, sapagkat kung ang nais talaga nilang wakasan ay ang human trafficking, nararapat lamang na usigin ng mga kinauukulang ahensya ang mga sindikato at hindi ang mga biyahero.

Gayunpaman, patuloy na umaasa ang kanilang grupo na magkakaroon pa rin ng pagdinig sa Senado hinggil dito, at gayon na rin ang pagiging hands-on sa pagbalangkas sa mga patakaran at pagsiyasat sa mandato at action plan ng Inter-Agency Council Against Trafficking.

Dagdag pa ni Hernando na maraming kaso ang inilapit nila sa Inter-Agency Council Against Trafficking kaugnay sa human trafficking sa mga migranteng Pilipino, subalit hanggang ngayon ay wala man lang update na ibinibigay sa mga biktima.

Samantala, binigyang-diin naman ni Hernando na malaking papel ang ginagampanan ng Department of Justice sa naturang usapin sapagkat nasa ilalim nila ang Bureau of Immigration kung saan dumaraan ang mga Pilipino upang magpatunay o makuhanan ng impormasyon sa paglabas ng bansa.

Subalit kinakailangan din nilang kilalanin na ang right to travel ay basic rights ng bawat Pilipino, at bagamat hindi naman sila tutol sa programa ng mga ahensya laban sa human trafficking, hindi naman dapat magpatupad ang mga kinauukulan ng mga polisiya na ang kapalit ay ang pagtapak sa karapatang pantao.