-- Advertisements --

Siniguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapatuloy ng pagsuporta at pagprotekta sa mga mangingisda sa West Philippine Sea sa kabila ng kasalukuyang Balikatan Exercises.

Ayon kay PH Navy Spokesperson for the WPS, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nananatili ang suporta ng AFP sa mga mangingisda sa pinag-aagawang karagatan, sa tulong ng mga sundalong hindi bahagi ng malawakang joint military drill.

Kinabibilangan ito ng regular na pagbabantay sa mga maritime feature ng Pilipinas tulad ng Ayungin Shoal na isa sa mga madalas tinutungo ng mga mangingisdang Pilipino, hanggang sa Bajo de Masinloc sa karagatan ng Zambales.

Pagtitiyak ng Navy official, sa kabila ng libu-libong sundalong Pilipino na nakikibahagi sa taunang military simulation ay may sapat pa ring nakadeploy sa mga regular military at naval bases sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Kung babalikan, regular ang presensiya ng Chinese vessels sa WPS habang nauna na ring binatikos ng China ang Balikatan sa pagitan ng US, PH, Japan, atbpang kalahok na bansa.

Isa sa mga magsisilbing venue ng ilang military simulation na nakapaloob sa Balikatan ay ang karagatang saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa WPS malapit sa probinsiya ng Palawan.