-- Advertisements --

Nilinaw ni Commission on Elections-7 Regional Director Atty. Lionel Marco Castillano na hindi ibig sabihin na isinailalim na sa sa Commission on Election control ang Negros Oriental ay magulo na ang probinsya.

Paliwanag pa ni Castillano na ito ay isa lang umanong proactive at precautionary measure para maisagawa ng mapayapa, maayos, at matagumpay ang darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong October 30.

Hindi pa umano sila nakatanggap ng kopya sa resolusyon ngunit siniguro pa nito na handa ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at ang Commission on Elections para sa darating na halalan.

Kaugnay nito, magdedeploy ng mas maraming tauhan ng pulisya at militar at ilang mga hakbang ang gagawin upang matiyak na walang pagbabanta, karahasan, o pananakot sa pagdaraos ng halalan sa lalawigan.

Dagdag pa ni Castillano na tiniyak din umano sa kanila ng pulisya na mapayapa ang Negros Oriental at napigilan na ang mga banta at karahasan.

Hangad naman umano nila ngayon ay mas higpitan pa ang mga borders upang walang posibleng deployment ng mga grupo para sa darating na halalan.

Tuloy-tuloy naman aniya ang kanilang paghahanda sa kasalukuyan,at sa katunayan, magsisimula na ngayong weekend ang pagsasanay ng mga electoral board at abala rin ang mga election officer sa pagsasagawa ng mga briefing ng mga kandidato.

Samantala, sa panig ng pulisya sa rehiyon, sinabi ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare na susundin ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang advisory ng komisyon para matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan sa lalawigan.