Hindi natitinag ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ipagpapatuloy pa rin ang research missions sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng mga agresibong aksiyon ng China Coast Guard (CCG).
Ito ang binigyang diin ni BFAR spokesperson Nazario Briguera kasunod ng pinakahuling pangha-harass ng barko ng China sa research vessel ng BFAR na BRP Datu Sanday noong Mayo 21 kung saan ginitgit at binombahan ito ng dalawang beses ng CCG vessel habang nagsasagawa ng routine marine scientific research mission malapit sa Sandy Cay.
Ayon sa opisyal, nakumpleto pa rin ng BFAR vessel ang misyon nito sa kabila ng natamong pinsala sa kasagsagan ng water cannon incident.
Nilinaw naman ni Briguera na nananatiling seaworthy ang barko at magpapatuloy pa rin gaya ng plano ang mga operasyon nito.
Ayon sa BFAR official, kabilang ang BRP Datu Sanday sa nagpapatuloy na marine scientific research initiative ng BFAR sa West Philippines para mangolekta ng mahahalagang datos sa kondisyon ng marine resources partikular na sa pinagtatalunang cays.