-- Advertisements --

Umaapela si House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. sa Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID) na irekonsidera ang pagpahintulot sa partial resumption Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs.

Ito ay matapos kinumpirma ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na pinayagan ng pamahalaan na makabalik sa kanilang trabaho ang 30 percent ng kabuuang workforce ng POGO hubs sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil sa pandemic na COVID-19.

Ayon kay Abante, “premature” ang naging desisyon ng IATF-EID dahil hindi maaring ituring bilang “essential industry” ang POGO gayong karamihan sa mga empleyado dito ay pawang mga dayuhan.

“I believe one of the first qualifications for any industry to be considered an ‘essential industry’ is whether it employs our countrymen or not,” ani Abante.

Iginiit din ng kongresista na hindi maaring asahan ang POGO operators na susunod sa mga kondisyon na inilatag ng Pagcor.

Inihalimbawa pa rito ni Abante ang pagkaka-aresto kamakailan sa 44 na Chinese nationals sa raid na isinagawa sa isang illegal POGO operation sa Parañaque City, na maituturing aniya bilang direktang paglabag sa ECQ guidelines na nagbabawal sa operation ng mga nonessential business.