Nagpasalamat si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa matagumpay na pagbabalik sa bansa ng 24 na Pilipinong nakulong sa Russia sa loob ng siyam na buwan.
Ayon kay Lacson, isa ito sa pinakamahalagang naging bunga ng kamakailang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Russia matapos personal na idulog ng Pangulo kay Russian President Vladimir Putin ang kalagayan ng mga Pilipino.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na ang paglaya ng 24 na Pilipino ay isang malaking tagumpay na hindi gaanong nabigyang-pansin ng publiko.
Aniya, kung hindi naaksyunan ang kanilang sitwasyon, posibleng matagal pang nanatili sa kulungan sa silangang bahagi ng Siberia ang mga Pilipino.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang 24 na Pilipino sa dalawang magkahiwalay na batch mula Bangkok, Thailand.
Batay sa Department of Foreign Affairs (DFA), isinagawa ang repatriation sa pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng Russia, kasama ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Noong Huwebes, kinumpirma ni Pangulong Marcos na pinahintulutan ni Putin ang pagpapalaya sa mga Pilipino na nagtatrabaho bilang cleaners sa Russia.
Ayon sa mga naunang ulat, nakulong ang mga ito dahil sa mga isyu sa immigration matapos umanong mabiktima ng illegal recruiters.
















