-- Advertisements --

Kailangan na magkaroon ng agresibong “vaccination catchup” sa mga rehiyon na hanggang sa ngayon ay mahina pa rin ang COVID-19 vaccination rate upang sa gayon ay maabot ang target GDP growth rate ngayong taon na 5 percent, ayon sa isang kongresista.

Inihalimbawa rito ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Bicol regions.

Dalawang hamon ang nakikita ni Salceda para maabot ang target GDP growth rate na itinakda ng economic managers ng Duterte administration: ang tungkol sa demand at inflation.

Ang dalawang bagay na ito ay masosolusyunan aniya sa oras na mapalakas ang vaccination rates sa mga lugar na mayroong nangyayaring “bottlenecks” tulad ng sa Bicol.

Iginiit ni Salceda na sa mga probinsya nanggagaling ang pagkain na kinukonsumo ng karamihan sa mga malalaking lugsod, kaya hindi aniya dapat makalimutan pagdating sa bakunahan ang mga rehiyon na mababa pa ang vaccination rate.