-- Advertisements --

CEBU CITY – Naniniwala ngayon ang mga otoridad na pagnanakaw ang motibo ng pagpatay sa isang guro na kinilalang si Jhun Pañares sa lungsod ng Naga, Cebu.

Nitong Martes ng gabi nang maaresto sa isinagawang hot-pursuit operation ang suspek na si Elmar Gemida, 24, sa pantalan ng San Carlos City, Negros Occidental at pinaniniwalaang uuwi sana sa Calatrava.

Narekober mula kay Gemida ang motorsiklo, pitaka na may lamang P10,000 at cellphone ng biktima sa panahon ng pag-aresto dito.

Ayon kay Police Colonel Rommel Ochave, director ng Cebu Police Provincial Office, nabunyag ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng kanyang FB account na naka-log-in sa laptop ng biktima.

Nakita din sa CCTV footage ang suspek na kasama ni Pañares sa isang convenience store bago ang insidente.

Samantala sa isang panayam sa suspek, pinagsisisihan umano nito ang pagpatay sa biktima at napilitan lang umano siya upang protektahan ang kanyang sarili dahil sinubukan pa umano siyang saksakin nito.