-- Advertisements --

Inihayag ng health officials na nananatiling mababa pa ang dalang panganib ng monkeypox na kumakalat na ngayon sa general population.

Maaari umanong mahinto ang transmission sa labas ng mga endemic na bansa sa Central at West Africa.

Sinabi ng World Health Organization (WHO), mas kaunti sa 200 ang nakumpirma at pinaghihinalaang mga kaso ang naitala mula noong unang bahagi ng Mayo sa Australia, Europe at North America, na nagdulot ng pangamba sa pagkalat ng sakit.

Bagama’t kilala ang monkeypox sa loob ng 40 taon, sinabi ng ahensiya na ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ilang kaso sa maraming bansa nang sabay-sabay at sa mga taong hindi nakabiyahe sa mga endemic na rehiyon sa Africa.

Ngunit sinabi ng ahensya ng UN na ang mga outbreak sa mga non-endemic na bansa ay maaaring makontrol at mahinto ang human-to-human transmission ng monkeypox.

Binabaan din ng European Center for Disease Prevention and Control (ECDC) ng EU ang pangamba sa pagkalat nito sa publiko.

Ang monkeypox, na hindi karaniwang nakamamatay, ay maaaring magdulot ng lagnat, pananakit ng kalamnan, pamamaga ng mga lymph node, panginginig, pagkahapo at parang bulutong-tubig na pantal sa mga kamay at mukha.

Ang virus ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnay sa mga sugat sa balat o droplets ng body fluid mula sa isang nahawaang tao.

Wala pang umiiral na gamot, ngunit ang mga sintomas ay karaniwang lumilinaw pagkatapos ng dalawa hanggang apat na linggo.

Ang sakit ay itinuturing na endemic sa 11 mga bansa sa Africa.