Kapwa nangako ang Pilipinas at Vietnam ng pagusulong na makumpleto ang code of conduct (COC) sa pinagtatalunang karagatan at pagpapalakas ng kanilang maritime ties ng dalawang bansa ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang naturang Code of Conduct ay layong mapigilan ang anumang armadong komprontasyon sa pinaga-agawang karagatan na kapwa may territorial claims ang China, Taiwan, Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Brunei.
Ayon pa sa DFA, nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipinas at Vietnam na magpalitan ng pananaw kaugnay sa sitwasyon sa may bahagi ng West Philippine Sea.
Nagpahayag din ang dalawang bansa ng seryosong pagkabahala sa agresibong aksiyon at banta sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon.
Nauna ng napaulat ang mga pambubully at pagiging agresibo ng China laban sa mga bansa sa Asya gaya ng Pilipinas, Vietnam at Malaysia.
Nagkaroon din ng conflict ang China sa Taiwan sa gitna ng claims ng Beijing na parte ng teritoryo nito ang isla.
Una na ring sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na magsasagawa ng pag-uusap ang gobyerno ng Pilipinas kasama ang Vietnam kaugnay sa mga insidente ng maritime disputes kamakailan.
Nangako din ang dalawang bansa ng pagtutulungan para maprotektahan ang kanilang karapatan at interes sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).