‘Walang nakitang senyales ng foul play ang pagkamatay ng isang Grade 9 student na naunang naiulat na nawawala, ayon sa Pasig City Police nitong Huwebes, Marso 26, 2026.
Sa isang press briefing, sinabi ng pulisya na base sa ebidensya sa lugar ng insidente at paunang forensic assessment, walang indikasyon na may kinalaman ang krimen sa pagkamatay ng 15-anyos na dalagita.
Ayon kay Police Major Loreto Tigno, tumutugma ang mga nakalap na ebidensya sa pahayag ng mga kaibigan at kaklase ng biktima, pati na rin sa mga liham na iniwan nito na may mensaheng tila namamaalam.
Dagdag pa ng pulisya, wala ring nakitang palatandaan ng karahasan sa isinagawang autopsy.
Huling nakita ang estudyante noong Marso 18 nang pumasok sa isang mall sa Marikina bago nagtungo mag-isa sa madilim na bahagi ng isang bakanteng lote malapit sa compound ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa Santolan.
Iniulat siyang nawawala kinabukasan, at natagpuan ang kanyang labi noong Marso 23 sa isang liblib na lugar matapos ang isinagawang inspeksyon sa lugar.
May narekober din umanong gamit sa pinangyarihan na sinasabing binili ng biktima bago ang insidente.
Samantala, nanawagan ang ama ng dalagita sa publiko na iwasan ang na pambabatikos sa mga awtoridad, at iginiit na agad namang umaksyon ang pulisya sa kaso.
Pinaalalahanan din ang publiko na may mga available na mental health hotlines sa bansa para sa mga nangangailangan ng tulong, kabilang ang National Center for Mental Health at iba pang support services.
DOH-NCMH Hotline: 0917-899-8727 and 02-7989-8727; Natasha Goulbourn Foundation Hopeline: 0917-558-4673, 0918-873-4673, at 02-8804-4673; para naman sa Crisis Line: 0917-800-1123, 0922-893-8944, and 02-8893-7603.















