-- Advertisements --

Malaking dagok sa komunistang New Peoples Army (NPA) ang pagkamatay ng 18 na miyembro nito at ang pagkakabuwag sa kanilang bomb making hideout sa ikinasang focused military operations ng 8th ID.

Ito ang ang pag-aamin ni 8th Infantry Division Commanding General MGen. Pio Diñoso.

Sinabi ni Diñoso, nasa 30 mga matataas na kalibre ng armas ang narekober ng mga operating troops kabilang ang mga kagamitan sa paggawa ng mga improvised explosive device (IED).

Tinukoy ng Heneral na sa 18 nasawing NPA, lima dito ay babae at 13 naman ang lalaki.

Naniniwala si Diñoso na posibleng may mga matataas na lider ng komunistang grupo at mga trainors sa paggawa ng improvised explosive device matapos mabuwag ng mga sundalo ang kanilang bomb making hideout.

Sinabi ni Diñoso na hindi kasi nila isinasantabi na may mataas na opisyal na nasawi sa engkwentro kaya ito ang pilit nilang aalamin.

Paliwanag niya, hindi naman kasi tatagal ng ilang oras ang engkwentro kung walang malaking tao na pinoprotektahan ang mga NPA.

Nabatid na alas 4 ng madaling araw pumutok ang bakbakan na tumagal hanggang alas 5 ng hapon kahapon.

Habang wala namang nasawi sa panig ng militar.

” Opo meron tayong nasamsam na mga IED po roon, tapos meron pa pong parang classroom area, baka hindi lang ito pagawaan, pati dito pa rin ang training ng mga tinuturuan nilang gumawa ng bomba. so kung natapos na ba natin, madali lang pong maggawa ng isang pagawaan ng bomba pero malaking dagok po ito ano, kung baka po yung mga instructor nila, yung mga expert nila ay kasama sa nasawi wala na pong magtuturo ano pero yun nga po magiging mapagmatyag pa rin tayo kasi ang mga pinapasok na materyales dadaanan naman po yan sa communities, kung may makita kayong mga wires, mga napakaraming baterya, o yun nga mga wire ng kuryente mga ganun yan po yung mga ano e, mga ginagamit sa IED, bigay niyo po, itawag niyo po sa amin, malaman po namin sa pulis or yung army, para ano, hindi lang po yan sa safety ng sundalo and pulis pati na rin po lahat ang civilian, ang ating mga residnete sa paligid,” pahayag ni MGen. Diñoso.

Tinawag ni Diñoso na malaking tagumpay ang kanilang operasyon lalo pa’t ang pagkakasawi ng 16 na NPA ay isa sa pinakamarami sa nakalipas na taon.

Samantala, binigyang-diin ni Diñoso na walang “collateral damage” sa nasabing operasyon at walang katotohanan na may mga natamaang kabahayan sa isinagawang air strike ng Philippine Air Force (PAF).

Kinumpirma ni Diñoso na nasa 50 mga armadong NPA ang nakasagupa ng militar kahapon.

Kabilang sa mga narekober ng militar ay ang mga sumusunod:

  1. 24 Rifles, 5.56mm: M16A1
  2. Three (3) Rifles, 7.62mm: M14
  3. One (1) Carbine, 5.56mm: M653
  4. One (1) Rifle, 7.62mm: AK47
  5. One (1) Pistol, Cal .45; M1911A1
  6. Two (2) large APMs
  7. Five (5) small APMs
  8. One (1) improvised hand grenade
  9. Two (2) laptops
  10. Two (2) android cellular phones
  11. Seventeen (17) analog cellular phones
  12. One (1) lower receiver of M16 rifle (damaged due to bomb impact)